Click on flag for
GO TO ENGLISH VERSION
English version

NILALAMAN

Kakayahan sa Pagbasa
Sinaunang Pagsulat
Pinagmulan
Panitikan
Pagsulat ng Baybayin
Mga Katinig & Kudlit
Mga Patinig
Ang Tunog ng R
Ang Titik ng Nga
Mga Bantas
Mga Huling Katinig
Direksiyon ng Pagsulat
Mga Uri ng Baybayin
Nawala ang Baybayin
Natuklasan Muli

Mga Tala & Sanggunian

Mga Kaugnay na Pahina

Aralin sa Pagsulat
Old Baybayin Doc's
Baybayin Styles/Sources
Written by Filipinos
Paterno's Chart
Free Baybayin Fonts
Baybayin Links

UWIAN

E-MAIL
 

Baybayin, The Ancient Script of the Philippines

Baybayin - Ang Lumang Sulat ng Filipinas

ni Paul Morrow

Ang salita nati'y huwad din sa iba
na may alfabeto at sariling letra
na kaya nawala'y dinatnan ng sigwa
ang lunday sa lawa noong dakong una.

Sa Aking Mga Kabata"
isang tulang ipinalalagay na kay

Jose Rizal, 1869

Ang sigwang binanggit sa tula ni Rizal ay humampas sa Filipinas noong ika-16 na dantaon dala ng imperyalismo ng Espanya at ang kaniyang tinurang alfabeto naman ay isang paraan ng pagsulat na ang tawag ngayon ay baybayin.

Taliwas sa akala ng marami, ang lipunang nadatnan ng mga Espanyol noon ay higit na maunlad kaysa sa ilang kalat na tribong mangmang at manpandigma. Ang nadatnan nila ay isang kabihasnang buo na at ibang iba sa kanilang lipunan. Isang palatandaan ng anumang kabihasnan ang kakayahan sa pagsulat at pagbasa. Ayon sa maraming ulat ng mga Espanyol noon, matagal-tagal na ring marunong sumulat ang mga Tagalog. Malamang na ginamit na nila ang baybayin nang mahigit sa nakaraang isang daang taon. Noon ay kasisimula pa lamang ng paglaganap ng baybayin sa kapuluan. Bukod dito, ang pagkakatuklas sa Laguna noong 1987 ng isang kasulatang inukit sa tanso ay nagpatunay na may ilang tao na sa Filipinas na gumamit ng isang lalong mahusay na paraan ng pagsulat mula pa noong taong 900 A.D. (Tingnan: Ang Kasulatang Tanso ng Laguna.)

Ang Kakayahan sa Pagsulat at Pagbasa ng mga Sinaunang Filipino

Bagama't naisulat ni Antonio Pigafetta, isang kasama ni Ferdinand Magellan, na hindi marunong sumulat ang mga taga-Bisaya noong taong 1521, nakarating doon ang baybayin pagsapit ng taong 1567. Iniulat noon ni Miguel López de Legazpi na “sila [ang mga Bisaya] ay may sariling pagsulat at mga titik na katulad ng sa mga Malayo, na siyang nagturo sa kanila.” B1 Pagkaraan ng isang daang taon, sumulat si Francisco Alcina tungkol sa...

mga titik ng mga katutubong taong ito [mga Bisaya], o mas mainam, iyong mga titik na ginagamit dito sa loob ng iilang taon pa lamang. [Ito'y] isang sining na inihatid sa kanila ng mga Tagalog. Natutuhan ito [ng mga Tagalog] sa mga taga-Borneo na naglakbay mula sa dakilang pulo ng Borneo patungo sa Manila [dahil] malaki-laki ang kanilang pakikipagkalakalan doon...
Natutuhan ng mga Tagalog ang kanilang mga titik sa mga taga-Borneo at ang mga Bisaya naman ay natuto sa [mga Tagalog]. Kaya, ang tawag nila dito ay mga titik-Moro o sulat-Moro dahil ang mga Moro ang nagturo sa kanila... Natutuhan ng [mga Bisaya] ang sulat ng [mga Moro] na ginagamit ng maraming tao ngayon. Higit na maraming babae ang gumagamit nito kaysa sa mga lalaki at sila'y mas mahusay sumulat at bumasa kaysa sa [mga lalaki]. B2

Tuloy ang pag-unlad ng baybayin noong unang siglo ng pananakop ng Espanya sa Filipinas. Bago pa mang natapos ang siglong 1500, inililimbag na ng mga Espanyol ang mga aklat na nakatitik sa sulat ng mga sinaunang Tagalog. (Tingnan: Ang Panitikan) Ipinapahiwatig nito na sapat ang antas ng kakayahan ng mga taumbayan sa pagbasa. Sinabi pa sa ilang ulat na halos lahat ng sinaunang Filipino ay marunong bumasa, 100%. Noong 1604, isinulat ng isang Heswitang si Padre Pedro Chirino na...

Gayon kabihasa itong mga taga-pulo sa pagsulat at pagbasa na bihira ang lalaki, lalo na ang babae, na hindi nakakabasa at nakakasulat ng mga titik na katutubo sa pulo ng Maynila. B3

Ganito rin ang napuna ni Dr. Antonio de Morga, isang Kastilang hukom sa Filipinas, noong 1609:

Sa buong kapuluan, napakagaling sumulat ng mga katutubong tao sa pamamagitan ng [kanilang mga titik]...Ang lahat, mga babae tulad ng mga lalaki, ay sumusulat sa wikang ito, at iilan lamang ang hindi nakakasulat nang mahusay at wasto. B4

Masasabing nagpalabis dito ang dalawang manunulat kahit maraming ibang manunulat ang sumipi ng mga punang ito. Ang mananaysay na si William H. Scott ay nakapaghalungkat ng ilang sulatin mula sa dekada 1590 tungkol sa mga datu na hindi marunong lumagda sa mga sinumpaang pahayag (apidabit o alusitha) at mga saksi noong dekada 1620 na hindi marunong lumagda sa mga titulo ng lupa. B5 Gayunman, sa mga lugar na naabutan ng baybayin, masasabing laganap ang kakayahan sa pagsulat at pagbasa sa lahat ng antas ng lipunan, hindi lamang sa pinakamataas.

Mga Sinaunang Pamamaraan ng Pagsulat

Maraming bagay ang sinulatan ng mga sinaunang Filipino; mga dahon, palapa, saha, banakal at balat ng iba't ibang prutas, ngunit karaniwan ang kawayan. Ang mga panulat naman ay matutulis na patalim o sundang, o ibang maliliit na piraso ng bakal. Sa koleksyon ni Charles R. Boxer, na kilala sa pangalang Boxer Codex, may isang lumang sulat-kamay na ulat mula sa taong 1590. Ipinaliwanag ng di-ipinakilalang manunulat ang sinaunang pamamaraan ng pagsulat, na ginagawa pa rin ng mga tribo sa Mindoro at Palawan hanggang ngayon:

Kapag sumusulat sila, ito'y ginagawa sa mga tablang kawayan, (pangkaraniwan ito sa mga naturang pulo) sa balat. Sa paggamit ng ganitong tabla, na kasinglapad ng apat na daliri, hindi sila gumagamit ng tinta sa pagsulat, kundi mga pang-ukit upang guhitan ang rabáw [surface] at balat ng kawayan, at sa gayon sila gumagawa ng mga titik. B6

Kapag inukit na ang mga titik sa kawayan, pinahiran nila ito ng abo upang lalong madaling makita. Ginamit nila ang mga matulis na patpat ng kawayan kasama ng kinulayang dagta ng halaman upang masulatan ang maseselang bagay tulad ng mga dahon. Sapagkat hindi pangmatagalan ang mga ginawang sulatin ng mga sinaunang Filipino, hindi sila gumamit ng lalong matitibay na sulatan tulad ng bato, luwad, o bakal. Nang dumating ang mga Espanyol, nagsimulang gamitin ng mga Filipino ang papel, pluma at tinta.

A Hanunóo boy of Mindoro carves letters into a piece of bamboo. Nag-uukit ng mga titik sa kawayan ang isang batang Hanunóo sa Mindoro. Ang sulat ng mga Hanunóo ay isa sa tatlong uri ng baybayin na ginagamit hanggang sa kasalukuyan.

The bamboo document and the dagger used to write it.

Ang sinulatang kawayan at panulat na sundang.

Mula sa The Alphabet: A Key to the History of Mankind
ni David Diringer. 1948, p. 300.

Ang Pinagmulan ng Baybayin

Ang salitang baybayin ay isang katagang pangkalahatan sa wikang Tagalog na tinutukoy ang lahat ng titik na ginagamit sa pagsulat ng isang wika. Ibig sabihin, isang “alpabeto” – subali't mas kahawig ito ng isang "syllabary" o palápantigan. Nakatala itong pangalang ng lumang sulat sa isa sa mga unang talasalitaang inilathala sa Pilipinas, ang Vocabulario de Lengua Tagala noong taong 1613. Ito'y mula sa ugat na “baybay” na nangangahulugang ispeling. Sa mga sulatin ng mga unang Espanyol, ang karaniwang tawag nila sa baybayin ay ang mga “titik o sulat ng mga Tagalog.” Nasabi na sa itaas na ang tawag naman ng mga taga-Bisayas sa baybayin ay “sulat-Moro” dahil ito'y galing sa Maynila na naging daan para sa mga produkto ng mga mangangalakal na Muslim sa mga pulo na ngayon ay kilala sa pangalang Filipinas. Basahan ang tawag sa baybayin sa Bikol at guhit naman ang tawag nila sa mga titik.


Paul Rodriguez Verzosa

Isa ring pangalan ng baybayin ang alibata, na nilikha sa ika-20 dantaon lamang ni Paul Versoza, isang kasapi ng dating National Language Institute. Nagbigay paliwanag si Versoza sa kaniyang aklat na Pangbansang Titik nang Pilipinas noong 1939:

"Noong 1921 umuwi ako galing sa Estados Unidos upang magbigay ng mga panayam pampubliko tungkol sa pilolohiyang Tagalog, kaligrapiya at lingguwistika. Ipinakilala ko ang salitang alibata, na lumitaw sa mga pahayagan at binanggit ng maraming manunulat sa kanilang mga sulatin. Aking nilikha ang salitang ito noong 1914 sa Manuscript Research Division ng New York Public Library batay sa pagkakahanay ng mga titik sa alpabetong Maguindanao (Moro) gaya ng sa Arabo: alif, ba, ta (alibata), tinanggal ang “f” upang maging lalong kaaya-aya sa pandinig." B7

Walang batayan ang palagay ni Versoza dahil walang ebidensiyang nagkaroon ng baybayin kailanman sa naturang bahagi ng Filipinas at tiyak na walang kaugnayan ang baybayin sa wikang Arabo. Bukod dito, walang alpabetong katutubo sa Timog-Silangang Asya ang sumunod sa pagkakahanay ng mga titik sa alpabetong Arabo. At bukod din sa kaugnayan ni Versoza sa salitang alibata, ang kawalan nito sa lahat ng lumang sulating pangkasaysayan ay nagpatunay na ito ay isang bagong imbento lamang. Hindi ginagamit ng kasalukuyang may-akda ang naturang salita sa pagtukoy sa anumang lumang sulat ng Filipinas.

Map of islands that had trade relations with the Philippines in the pre-Hispanic era. Maraming alpabeto sa Timog-Silangan Asya ang nagmula sa mga lumang sulat ng India mahigit sa 2000 taon na ang nakaraan. May pagkakahawig ang baybayin at ang mga naturang alpabeto sa ilang mahalagang katangian. Halimbawa, ang lahat ng mga katinig ay binibigkas nang may tunog na a at napapalitan ang tunog na ito sa pamamagitan ng maliliit na tanda. Sa kabila nito, walang ibang ebidensiyang nagpatotoong gayon nga katanda ang baybayin.

May kaunting pagkakahawig ang mga titik ng baybayin at ang mga titik ng Kawi, ang lumang sulat na ginamit sa Java, Indonesia hanggang sa siglong 1400. Subalit, ayon sa mga ulat ng mga Espanyol na binanggit sa itaas, ang pagkakaroon ng baybayin sa Filipinas ay itinuring na isang pangyayaring hindi pa natatagalan noong ika-16 na dantaon at pinaniniwalaan pa ng mga Filipino noon na ang baybayin ay galing sa Borneo.

May katibayan ang kanilang palagay dahil walang paraan sa baybayin upang maisulat ang mga tinatawag na huling katinig kahit marami ang ganitong katinig sa mga wika ng Filipinas. (Tingnan ang Mga Huling Katinig) Ito'y nagpapahiwatig na hindi pa natatagalan bago nagkaroon ng baybayin dahil hindi pa ito binabago upang maibagay sa mga pangangailangan ng mga bagong gumagamit. Bukod dito, ang pagkukulang na ito sa baybayin ay gayon din sa pagsulat ng mga taong Bugis ng Sulawesi (ngunit hindi masasabing pagkukulang ito dahil bihira talaga ang mga huling katinig sa kanilang wika), at ang pulo ng Sulawesi ay malapit sa timog ng Filipinas at malapit din sa silangan ng Borneo. Samakatwid, naniniwala ang maraming dalubhasa na maaaring nagbuhat ang baybayin sa pagsulat ng mga taong Bugis o, maaari ring galing sa isa pang kaugnay na alpabetong wala na sa Sulawesi. Anuman ang naging daang nilakbay ng baybayin, malamang na dumating ito sa Luzon noong bandang ika-13 o ika-14 na dantaon.

Sources: Doctrina 1593 font by P. Morrow, BugisA font by Andi Mallarangeng and Jim Henry, and various samples from Raffles and Diringer.

Ang Panitikan ng mga Sinaunang Filipino

Nagkaisa ang lahat ng ulat ng mga unang Espanyol na ang panitikan ng mga sinaunang Filipino ay karaniwang pasalita at hindi pasulat. Sinabi sa ulat ni Legazpi noong 1567 (na sinipi sa itaas) ang sumusunod:

Sila ay may sariling pagsulat at mga titik... ngunit walang lumang sulatin ang matatagpuan sa kanila ni walang makapagsasabi kung saan sila nanggaling o kung kailan sila dumating sa mga pulong ito [dahil] ang kanilang mga kaugalian ay pinanatiling buhay sa pamamagitan ng pagsasalin ng mga ito mula sa mga ama hanggang sa kanilang mga anak nang walang ibang talaan. B8

Naiulat noong 1590 sa isang kasulatang nilalaman ng Boxer Codex (ang sinipi rin sa itaas) ang sumusunod:

Wala silang mga aklat o mga kasaysayan ni wala silang isinusulat na mahaba kundi mga liham at paalaala sa isa't isa... [At ang mga magkasintahan] ay nagdadala ng mga nakasulat na anting-anting. B9

Bukod sa pagsusulatan sa isa't isa ng mga liham at tula, ang ugali noon ng mga sinaunang Filipino ay maglagay ng sumpa o kasabihan sa may pasukan ng bahay upang palayasin ang masasamang kaluluwa.

Nagsimulang sumulat sa papel ang mga Filipino noong panahon ng mga Espanyol. Isinulat nila ang mga talaang nauukol sa kanilang mga ari-arian at negosyo, at sinabi ni Pr. Marcelo de Ribadineira noong 1601 na ang mga Kristiyanong Filipino ay gumawa ng maliliit na aklat-talaan o notebooks, “sa kanilang titik o pagsulat,” na pinagsulatan ng kanilang mga aralin na itinuro sa simbahan. B10 Ang mga titik baybayin ang karaniwang ginamit ng mga Filipino sa kanilang paglagda sa mga kasulatang Espanyol at maraming halimbawa ng mga ito ang nananatili pa rin sa mga aklatan sa Filipinas, Mexico at Espanya. Mayroon ding dalawang titulo ng lupa na nakatitik sa sulat baybayin sa University of Santo Tomas. (Tingnan: Baybayin Handwriting)

Upang samantalahin ang kakayahan ng mga katutubong tao sa pagbasa, ang mga pare ay nagpalathala ng ilang aklat na naglalaman ng sulat baybayin. Nauna sa mga ito ang Doctrina Christiana, en lengua española y tagala na inilimbag noong taong 1593. Ang bahaging sinulat sa wikang Tagalog ay ibinatay sa isang sulatin ni Pr. Juan de Placencia. Ang mga pare na sina Domingo de Nieva at Juan de San Pedro Martyr ang nangasiwa sa paghahanda at pagpapalimbag ng aklat. Isang manggagawang Chino ang siyang naglimbag ng Doctrina ngunit hindi naitala ang kaniyang pangalan para sa mga sumunod na salinlahi.

Ang Doctrina ay itinuturing ng mga kasalukuyang dalubhasa na tila isang Rosetta Stone dahil ito'y naging susi upang suriin ang pagsulat ng baybayin at ang pagsasalita ng wikang Tagalog noong ika-16 na dantaon. Ang bawat kabanata ng aklat ay may tatlong bahagi: ang una ay nasa wikang Espanyol, ang ikalawa ay isina-Tagalog at nakasulat sa alpabeto ng mga Espanyol, at ang ikatlong bahagi ay Tagalog din ngunit nakasulat sa baybayin. Sa kasalukuyan, ang Doctrina ay naglalaman ng pinakalumang halimbawa ng baybayin. Ito rin ang nag-iisang halimbawa ng baybayin mula sa siglong 1500. Makikita rin sa aklat kung paano nagsalita ang mga sinaunang Tagalog bago nagkaroon ng malaking pagbabago ang kanilang wika dahil sa impluwensiya ng wikang Espanyol. (Mabibili sa mababang halaga ang isang kopya ng Doctrina sa Reflections of Asia.)

Ang Doctrina ng 1593 ay inilimbag sa pamamagitan ng malalaking blokeng kahoy. Ang bawat pahina ay inukit sa isang bloke. Ang bloke ay pinahiran ng tinta at saka nilatagan ng manipis na papel sa pamamagitan ng isang brutsa upang mailipat sa papel ang larawan na inukit sa kahoy. Hindi pantay-pantay at pabago-bago ang hugis ng mga titik baybayin sa ganitong paraan ng paglilimbag. Subalit nang dumating sa Filipinas ang panibagong paraan ng paglilimbag (moveable-type printing) sa simula ng siglong 1600, ang hugis ng mga titik ay naging magkakamukha, ngunit mas magara, dahil ang bawat titik ay inukit sa sariling bloke o tipo. Ginamit ni Pr. Francisco Lopez ang ganitong mga tipo noong taong 1620 sa pagpapalimbag ng kaniyang Doctrina Ilokano. Ibinatay niya ito sa katesismo na sinulat ni Kardinal Belarmino na kilala ngayon dahil sa kaniyang pag-uusig kay Galileo. Ang mga tipo na pinili ni Lopez ay ginamit din noong una sa dalawang aklat na Tagalog at sa kasalukuyan ito ang pinakapopular na estilo ng baybayin sa mga taong interesado sa lumang sulat na ito. (Tingnan: Baybayin Styles) Inilunsad ni Lopez ang kaniyang mga pagbabago sa baybayin sa aklat na ito dahil, sa paningin ng karamihan sa mga Espanyol, may malaking pagkukulang ito. (Tingnan: Ang mga huling Katinig)

Gayon pa man, bukod sa pagtuturo ng kanilang paniniwala, ginamit ng mga prayle ang baybayin sa kanilang pag-aaral ng mga katutubong wika. Hinikayat nila ang mga mambabasa ng kanilang mga balarila na pag-aralan ang baybayin, gaya ng paliwanag ni Pr. Francisco Blancas de San Jose sa kaniyang Arte y reglas de la lengua tagala noong 1610:

Kung minsan, inilalagay ko sa tabi ng isang salitang Tagalog na isinulat sa mga titik na Espanyol ang mga titik na Tagalog na ginagamit sa pagsulat ng naturang salita. Sa gayon ay matututuhan ng sinumang nakakabasa nito ang tamang bigkas sa naturang salita... Samakatwid, sinuman ang nagnanais na magsalita nang mahusay ay dapat matutong bumasa ng mga titik na Tagalog... B11

Inilarawan din ang baybayin sa mga balarila ng wikang Bisaya rin noong siglong 1600. Halimbawa, ang Arte de la lengua Bisaya-Hiligayna de la isla de Panay ni Alonso de Méntrida (1637) at Arte de la lengua Bisaya en la provincia de Leyte ni Domingo Ezguerra (1663). Subalit may ilang kamalian sa pagpapalimbag ng halimbawa ng baybayin sa aklat ni Ezguerra. Isang tanda ay tulad ng isang Kastilang tsek na siyang pumalit sa dalawang magkaibang titik. Isinulat ni Méntrida ang sumusunod tungkol sa kaniyang piniling tipong baybayin:

Dapat pansinin na may ilang titik ang ating mga Bisaya na iba ang hugis, na inilagay ko rito; subalit maging sila ay hindi nagkakasundo sa hugis ng kanilang mga titik. Dahil dito at dahil kulang ang makukuhang mga tipo, ipinakita ko ang mga titik ayon sa mga Tagalog. B12

Ang Pamamaraan ng Pagsulat ng Baybayin

Ang baybayin ay isang papantig o syllabic na paraan ng pagsulat. Ibig sabihin, ang bawat titik ay katumbas ng isang buong pantig sa halip ng isang payak na tunog gaya ng sa ating kasalukuyang alpabeto. May 17 titik noon: tatlong patinig (vowels) at 14 na katinig (consonants), ngunit kapag nilagyan ang mga ito ng kudlit, ang maliit na tanda na nakapagbabago sa mga patinig, ang bilang ng mga titik ay tumaas hanggang sa 45. Ang tawag sa ganitong paraan ng pagsulat ay isang abugida. Kapag binaybay ng isang tao ang isang salita nang pasalita o kung binigkas niya ang buong baybayin, ang tawag sa mga titik noon ay babâ, kakâ, dadâ, at patuloy pa nang ganiyan, bagamat iba ang pagkakasunod-sunod ng mga titik noon kaysa sa ngayon. Ang sinaunang hanay ng mga titik ay itinala sa Tagalog na Doctrina Christiana.

"Ang abc. sa wikang Tagalog"
A  U/O  I/E  HA PA KA SA LA TA NA BA MA GA  DA/RA
  YA
NGA WA

Mag-klik sa larawan para sa karagdagang kaalaman.

Ang mga Katinig at mga Kudlít

Ang bawat katinig ay katumbas ng isang pantig na binigkas nang may patinig na a. Kung lalagyan ng isang tuldok, maliit na guhit o iba pang tanda ang isang titik, mapapalitan ang taglay na patinig a. Ang tawag sa maliliit na tandang ito ay mga kudlít, o diacritics sa wikang Ingles. Isang kudlit ang inilagay sa itaas ng mga titik na katinig upang ipahiwatig ang tunog ng mga patinig na i o e. Kapag ito'y nasa ibaba naman ng titik ang taglay na patinig ay naging u o o.

Dalawin ang Araling Baybayin upang matutuhan ang pagsulat sa baybayin.

Ang mga Patinig

Ang tatlong titik na patinig ay ginamit sa simula lamang ng mga salita o pantig. Tatlo lamang ang mga patinig dahil hindi binigyang pansin ng mga sinaunang Filipino ang kaibahan ng bigkas sa i at e, at sa u at o sa karamihan ng kanilang mga wika bago nila hiniram ang mga salitang Kastila. Hanggang ngayon, mapagpapalit ang mga patinig na ito sa mga salita tulad ng lalaki/lalake, babae/kababaihan, uod/ood, puno/punung-kahoy, at oyaye/oyayi/uyayi (duyan o panghehele).

Sa katotohanan, ang mga titik na patinig ay katumbas ng mga patinig na nauunahan ng isang pag-iimpit sa lalamunan o glottal stop. Karaniwan ang ganitong pagbigkas noong panahong bago dumating ang mga Espanyol ngunit nagbago ito sa paglipas ng mga siglo dahil sa impluwensiya ng mga wika ng kanluran. Makikita ang pagbabagong ito kung ihahambing natin ang mga lumang sulatin, tulad ng Doctrina Christiana, sa ating kasalukuyang wikang Filipino. Halimbawa ang bigkas natin sa mga salitang ngayon at gagawin at ganito: nga-yon at ga-ga-win. Subalit makikita sa baybayin ng Doctrina na iba ang bigkas sa mga ito noon unang panahon. Ang salitang ngayon ay isinulat sa baybayin nang ngay-on at gagawin naman ay ga-gaw-in.

Ang tunog ng R

Isa lamang ang titik ng mga Tagalog para sa da at ra, ang . Ang pagbigkas nito ay ibinatay sa kinalalagyan ng titik sa loob ng isang salita. Nananatili pa rin ang patakaran sa kasalukuyang wikang Filipino na kapag ang d ay napagitna sa dalawang patinig, ito ay karaniwang ipagpapalit sa r. Halimbawa, ang mga salitang dangal at marangal, o dunong at marunong.

Subalit, hindi maaasahan ang patakarang ito sa ibang mga wika, kaya, noong nagkaroon ng baybayin sa ibang mga lugar, ibang pamamaraan ang hinanap upang maisulat ang tunog ng r. Ginamit ng mga Bisaya ang titik na d/ra para sa kanilang mga sariling salita ngunit la ang ginamit nila sa pagsulat sa mga salitang Espanyol. (Tingnan ang ilang halimbawa ng Bisaya.) Tila walang katuturan ang pagpili ni Pr. Lopez sa la at d/ra, kaya nawalan ng kahulugan ang maraming salita sa kaniyang Doctrina Ilokano. (Tingnan ang ilang halaw mula sa kaniyang Doctrina.) Subalit may isang talaang ginawa ni Sinibaldo de Mas noong 1843 na ipinakita ang titik la bilang kahalili ng ra sa wikang Ilokano samantala, wala man lamang na kahalili ito sa kaniyang talaan ng mga titik sa wikang Pangasinan. Ang mga taga-Bikol naman ay binago ang titik d/ra upang magkaroon ng isang bukod-tanging titik para sa ra. (Tingnan ang talaan sa Baybayin Styles.)

Ang Titik Nga

Isang titik lamang ang ginamit noon sa pagsulat sa pantig na nga. Mayroon pa ring titik ng ang kasalukuyang alpabetong Filipino ngunit dalawang titik ang kailangan upang maisulat ito. Ang ng ang tanging nalalabing kaugnayan ng kasalukuyang alpabeto sa lumang baybayin.

Mga Bantas

Hindi pinaghiwalay ang mga salita sa baybayin; ang mga titik ay isinulat nang tuloy-tuloy at walang agwat-agwat sa pagitan ng mga salita. Ang mga bantas (punctuation) noon ay isa o dalawang guhit na patayo lamang. || Ang paggamit sa mga guhit ay katulad ng isang kuwit (comma) o tuldok (period). Maaaring sabihing ginamit din ang mga guhit katulad ng paggamit ng anumang bantas sa ating pagsulat ngayon. Bagama't laging ginamit ang mga guhit sa wakas ng mga pangungusap, ginamit din ang mga ito upang paghiwalayin ang ilang salita. Tila walang patakarang hinggil dito noong unang panahon. Paminsan-minsan ay pinaghiwalay ang isang salita sa pagitan ng dalawang guhit subalit kadalasan ay inilagay lamang ng manunulat ang mga guhit kung saan niya maibigan. Ito ang dahilan kung bakit ang mga pangungusap ay nahati-hati nang may iba't ibang bilang ng salita sa bawat bahagi.

Mga Huling Katinig

Ang talagang ikinalito ng maraming hindi katutubong mambabasa ng baybayin ay ang kawalan ng paraan upang maisulat ang isang katinig na hindi sinundan ng isang patinig. Kung nagwakas ang isang pantig o salita sa isang katinig, ang ganiyang katinig ay hindi isinulat. Halimbawa, sa isang salita tulad ng bundok, hindi isinulat ang mga titik n at k, kaya ang baybay nito ay naging bu-do.

Sa tingin ng mga prayleng Espanyol, ang suliraning ito ay naging malaking sagabal sa wastong pagsasalin ng kanilang mga sulating pangrelihiyon. Kaya, tuwing inilimbag nila ang isang aralin sa baybayin, ito ay karaniwang inilimbag din sa Espanyol at sa Tagalog na nakatitik sa kanilang alpabeto gaya ng Doctrina Christiana. May ibang mga pare naman na tinigil ang kanilang paggamit ng baybayin at bumalik na lamang sa alpabeto. Ang unang pagtatangkang “ayusin” ang baybayin ay lumitaw noong taong 1620 nang inihanda ni Pr. Francisco Lopez ang pagpapalathala ng Doctrina Ilokano. Inimbento niya ang isang bagong uri ng kudlit na hugis krus. Ito ang inilagay sa ibaba ng isang katinig na baybayin upang alisin ang taglay na tunog ng a. Sinulat ni Lopez ang sumusunod:

Ang sanhi ng paggamit ng mga tipong Tagalog [mga titik] sa paglilimbag ng Doctrina... ay upang simulan ang pagwawasto sa naturang Tagalog na pagsulat. Sa kasalukuyan, ito ay kulang na kulang at nakalilito (dahil walang paraan upang maisulat ang mga huling katinig - ibig sabihin, iyong [mga katinig] na walang patinig) kaya maging ang pinakamarunong na mambabasa ay dapat huminto sa pagbasa at isiping mabuti ang maraming salita upang hulaan kung alin ang talagang ibig bigkasin ng sumulat. B13

Bagama't mas mahusay ang bagong paraan ng pagsulat ni Lopez upang maisulat ang pasalitang wika, sa tingin ng mga katutubong manunulat noon, ito'y masyadong masalimuot kaya hindi nila tinanggap. Noong taong 1776 sumulat si Pedro Andrés de Castro tungkol sa kanilang pananaw sa inimbento ni Lopez.

Pagkatapos nilang purihin at pasalamatan ito, nagpasiya silang hindi ito magagamit sa kanilang pagsulat dahil laban daw ito sa katangiang ibinigay ng Diyos sa [baybayin] at sa isang hagupit ay maaaring masisira ang palaugnayan, panulaan at palatitikan ng wikang Tagalog... B14

Ang Direksiyon ng Pagsulat ng Baybayin

Ang baybayin ay binasa mula sa kaliwa patungo sa kanan sa loob ng mga pahalang na hanay na nagsimula sa itaas pababa, katulad ng ating pagbasa sa Filipino ngayon. Subalit, noon pa man ay pinagtatalunan na ito ng mga dalubhasa. Ang pagtatalo ay bunga ng ilang hindi magkatugmang ulat mula sa mga unang Espanyol sa Filipinas na nalito dahil nakita nila noon na hindi nahirapan ang mga sinaunang Filipino sa pagbasa ng sariling sulat maging baligtad man o hindi ang sulatin. Ito ang napuna ng mananaysay na si William H. Scott:

Ang gawi ng mga Filipino na basahin ang kanilang sulat kahit ano ang direksiyon ng hawak na papel ang naging dahilan kung bakit nalito ang mga taga-Europa na hindi kayang gawin ito - at ito ay ikinayayamot ng ilang gurong Tagalog sa mga paaralang Mangyan ngayon. B15 [Pabatid: Ang mga Mangyan sa Mindoro ay nagsusulat pa rin sa kanilang sariling uri ng baybayin.]

Inakala ng ilang tao na dapat basahin ang baybayin mula sa ibaba pataas sa loob ng mga patindig na tudling na nagsimula sa kaliwa patungo sa kanan dahil gayon ang ginawa ng mga sinaunang Filipino sa pag-ukit ng kanilang mga titik sa kawayan. Subalit iyon ang bunga lamang ng pag-iingat ng mga Filipino sa matutulis at matatalas na pang-ukit kung kaya ang kawayan ay nakatutok palayo sa sarili at ang direksiyon ng pag-ukit ay palayo rin sa katawan. Ganito pa rin ang ginagawa ng mga Mangyan ngayon. (Tingnan ang larawan sa itaas.) Oo nga at tila sumusulat sila mula sa ibaba pataas ngunit hindi naman talagang masasabing ganito rin dapat ang pagbasa nito.

Bagama't tila hindi nabahala ang mga sinaunang Filipino anumang direksiyon ng kanilang mga babasahin, maaaring malaman ang tamang direksiyon dahil sa mga kudlit, ang mga palatandaan na nagpapalit ng tunog ng mga patinig. Sa mga papantig na sulat tulad ng Kawi, Bugis at iba pang mga sulat kahawig ng baybayin, ang mga sulatin ay binasa mula sa kaliwa patungong kanan at ang mga kudlit ay inilagay sa itaas at ibaba ng mga titik (i/e sa itaas at u/o sa ibaba). Noong inukit ng mga sinaunang Filipino ang baybayin sa kawayan, inilagay nila ang mga kudlit sa kaliwa ng titik para sa patinig na i/e at sa kanan naman para sa patinig na u/o. Kaya, kapag nabuo na ang sulatin at inikot ito nang pakanan hanggang maging pahalang ang mga hanay, ang takbo ng sulat ay makikitang nagmula sa kaliwa patungong kanan at ang mga kudlit ay nakarating sa tamang lugar, i/e sa itaas at u/o sa ibaba.

Pinaghahambing ang sulat "Ilokano" ni Lopez at iba pang naunang estilong Tagalog. Mula kay W.H. Scott (1994, p. 214.)
Pinaghahambing ang sulat "Ilokano" ni Lopez at iba pang naunang estilong Tagalog. Mula kay W.H. Scott (1994, p. 214.)

Iba't Ibang Uri ng Baybayin

Sinabi ng ilang manunulat na may iba't ibang lumang alpabeto sa Filipinas noong unang panahon na ginamit sa iba't ibang wika sa Luzon at Bisayas. Mayroong daw humigit-kumulang sa 10 o 12 uri ng sulat noon. Subalit ni wala namang Kastilang manunulat noon ang nagsabing may iba pang alpabeto bukod sa baybayin. Sa katotohanan, ang karaniwang tawag nila sa baybayin noon ay sulat “Tagalog” o gaya ng sinipi sa itaas, ang tawag dito ni Pedro Chirino ay “mga titik na katutubo sa pulo ng Maynila.”

Ang baybayin ay isang sulat lamang, at katulad ng ating alpabeto ngayon, may iba't ibang anyo ito batay sa mga katangian ng sulat-kamay ng bawat tao. (Tingnan: The Baybayin as Written by Filipinos.) Nang magkaroon ng limbagan sa Filipinas, ang iba't ibang anyo nito ay nailipat sa mga tipo o fonts. Ang maling akala na may sariling alpabeto ang bawat lalawigan ay lumitaw noong ika-19 na dantaon lamang, subalit matagal nang wala ang baybayin noon. Nalikom ng mga manunulat tulad nina Eugène Jacquet (1831) at Sinibaldo de Mas (1843) ang mga lumang sulating baybayin at pinangkat-pangkat nila ang mga ito batay sa pinanggalingan o wikang ginamit sa sulatin. (Tingnan Baybayin Styles.) Alam nila na ang mga halimbawang tinipon nila ay iba't ibang anyo lamang ng iisang sulat. Gayon pa man, may ibang mga manunulat na sumunod sa kanila sa bandang katapusan ng naturang siglo, tulad nina Pardo de Tavera at Pedro Paterno, na gumawa ng kanilang mga talaan batay sa mga halimbawang ito at iba pa na tinawag nilang mga bukod-tanging alpabeto mula sa mga iba't ibang lalawigan. (Tingnan ang Cuadro Paleografico ni Paterno.) Ang mga talaang ito ay inilathala muli sa mga aklat pampaaralan sa ika-20 dantaon na hindi man lamang nilagyan ng paliwanag tungkol sa nilalaman. Kaya dahil sa paulit-ulit na pangungopya at pagsasalin-salin sa iba't ibang aklat, ang mga halimbawang ito ay nakilala bilang mga bukod-tanging alpabeto mula sa iba't ibang wika o lalawigan bagama't ang karamihan ay walang iba kundi sariling sulat-kamay ng isang tao lamang.

Ang pinakamalinaw na halimbawa ng ganitong pagkakamali ay ang anyo ng baybayin na pinili ni Francisco Lopez noong 1620 para sa kaniyang Doctrina Ilokano at para sa kaniyang Arte de la lengua yloca sa taong 1627. Ang tipong ito ay unang ginamit sa dalawang aklat na Tagalog, Arte y reglas de la lengua Tagala (1610) ni Francisco Blancas de San Jose at Vocabulario de lengua Tagala (1613) ni Pedro de San Buenaventura. (Tingnan ang talaan sa kanan.) Tinawag ni Eugène Jacquet na alpabetong Ilokano ang ganitong estilo ng baybayin sa kaniyang Notice sur l'alphabet Yloc ou Ilog (1831) dahil ito ay ginamit sa dalawang kilalang aklat na Ilokano. B16 Kahit si Lopez ay nagsabi (sa itaas) na ginamit niya ang “mga tipong Tagalog sa paglilimbag ng [Ilokano] Doctrina.” Gayon pa man inaakala pa rin ng marami na ang tipo ni Lopez ang sinaunang alpabeto ng mga Ilokano.

Tingnan ang Baybayin Styles para sa karagdagang kabatiran tungkol sa iba't ibang anyo ng baybayin.

Ang Pagkawala ng Baybayin

Bagama't mabilis ang paglaganap ng baybayin sa Filipinas noong siglong 1500, nanghina ito nang pumasok ang 1600 sa kabila ng mga ginawang pagsisikap ng mga prayleng gamitin ito sa pagtuturo ng kanilang pananampalataya. Ginamit pa rin ng mga Filipino ang mga titik ng baybayin sa pagsulat ng kanilang mga pangalan sa ika-17 dantaon hanggang sa simula ng ika-18 dantaon, kahit maraming sulatin na ang nasa wikang Espanyol noon. Ginamit pa rin ni Gaspar de San Agustín ang baybayin noong taong 1703. Sinabi niya sa kaniyang Compendio de la lengua Tagala, “Nakatutulong ang kaalaman tungkols sa mga titik na Tagalog upang makilala ang pagkakaiba-iba ng mga punto.” B17 At sinabi rin niya na ang baybayin ay ginagamit pa rin noon sa pagsulat ng mga tula sa Batangas. Ngunit noong 1745, sinulat ni Sebastián Totanes sa kaniyang Arte de la lengua Tagala na,

Bihira na ang indio na marunong pa ring bumasa ng [mga titik na baybayin], lalo na ang marunong sumulat. Lahat sila ay bumabasa at sumusulat na ng ating mga Kastilang titik ngayon. B18

Bagama't masasabing mababa ang pagtingin ni Totanes sa kalinangan ng mga Filipino, mayroon namang ibang manunulat noon na nagbigay ng makatarungan na pananaw. Sa palagay ni Thomas Ortiz kailangan pa ring ipaliwanag ang mga titik na Tagalog sa kaniyang Arte y Reglas de la lengua Tagala noong 1729 at maging sa taong 1792, may kasunduan ang mga Kristiyano at mga Mangyan sa Mindoro na nilagdaan nila sa pamamagitan ng baybayin. Hindi naman ito nakapagtataka dahil ang mga Mangyan ay hindi tumigil sa paggamit ng kanilang sulat hanggang sa kasalukuyan.

Maraming nagugulat, hindi lamang ang karaniwang Filipino kundi ang mga banyagang mananaysay din, kapag nalaman nilang may sariling paraan ng pagsulat ang mga sinaunang Filipino. Nakapagtataka na wala man lang natitirang tunay na sulating baybayin ngayon na mula sa panahon bago dumating ang mga Espanyol. Dahil dito laganap ang maling akala na walang awang sinira o sinunog ng mga panatikong prayle ang lahat ng mga katutubong sulatin gaya ng kanilang ginawa sa Central America. Kahit ang batikang Dr. H. Otley Beyer ay nagsabi sa kaniyang The Philippines before Magellan (1921) na may “isang pareng Kastila sa Timog Luzon na nagyabang na nakasira siya ng higit sa tatlong daang balumbon [scrolls] na nakasulat sa mga katutubong titik.” B19 Maraming mananaysay ang humanap ng pinagmulan ng kuwento ni Beyer, ngunit hanggang ngayon walang nakatuklas kahit sa pangalan man lamang ng naturang panatikong pare. Bukod dito, hindi naitala saanman na ang mga sinaunang Filipino ay sumulat sa mga balumbon. Ang kanilang pagsulat sa mga bagay na madaling masira tulad ng mga dahon at kawayan ang malamang na dahilan kung bakit walang nang natitirang lumang kasulatan ngayon.

Bagama't hindi naman inilihim ng maraming Espanyol ang kanilang paglait sa kalinangan ng mga Filipino, kung may sinunog man sila, malamang ito ay ilang sumpa o kasabihan na hindi katanggap-tanggap sa kanilang paniniwalang Kristiyano. Sa katunayan, wala namang “mapanganib” na kasulatan noon na dapat sunugin dahil ang mga sinaunang Filipino ay hindi nagsulat tungkol sa mga bagay tulad ng kanilang sariling mga paniniwala, mga alamat o kasaysayan. Ang mga paksang ito ay bahagi ng kanilang pasalitang kasaysayan na talagang pinagsikapan ng mga pare na patayin sa pamamagitan ng walang lubag na pangangaral. Hinggil sa pagsulat, masasabing nakatulong naman ang mga prayleng Espanyol sa pagpapanatili ng baybayin dahil nagpatuloy silang gumamit ng baybayin at sumulat tungkol sa baybayin kahit noong hindi na ginagamit ito ng karamihang Filipino.

Malamang na nawala sa uso ang baybayin dahil ito ay naging hindi na praktikal. Bagama't angkop ito sa mga pangangailangan ng mga sinaunang Filipino bago dumating ang mga Espanyol, kulang noon ang baybayin upang maipakita ang mga bagong tunog mula sa wikang Espanyol. Hindi rin nito nagampanan ang hiningi ng naturang kalinangan - isang tiyak na paraan upang mailarawan sa sulat nang walang mali ang wikang sinasalita ng mga tao. Hindi maipakita ng baybayin ang kaibahan sa mga patinig na i at e, at u at o, at ang kaibahan sa mga katinig na d at r. Kulang din ito ng iba pang mga katinig, at isa pang mahalagang dahilan, walang itong paraan upang bawiin ang patinig na taglay ng lahat ng katinig. Bunga nito, hindi maaaring pagsamahin ang mga katinig, at ang mga katinig sa dulo ng mga pantig ay hindi man lang maisulat. Dahil sa mga ganitong pagkukulang ng baybayin, maraming salitang Espanyol ang naging lito o nawala ang tunay na kahulugan.

Ang sariling kapakanan ay isa pang dahilan kung bakit pinabayaan ng mga Filipino ang baybayin at ipinagpalit nila ito sa alpabeto. Madaling natutuhan nila ang alpabeto at ang kakayahan sa pagsulat nito ay nakatulong sa kanilang pag-asenso sa ilalim ng pangangasiwa ng Espanyol. Nakapagtrabaho sila bilang mga kawani, tagasulat at kalihim - mga gawain na may kaunting kahalagahan. Makikita kung gaano kadaling tinanggap ng mga Filipino ang bagong alpabeto sa mga punang isinulat ni Pr. Pedro Chirino, (nang may kaunting pagmamalabis) noong taong 1604.

Natutuhan nila ang ating wika at bigkas at nasusulat nila ito katulad natin, at mas mahusay pa kaysa atin, dahil napakatalino nila at madali silang natututo ng anumang bagay… Sa Tigbauan [Panay] may isang maliit na batang lalaki sa aking paaralan na sa loob ng tatlong buwan, sa pamamagitan ng pagkopya ng mga natanggap kong liham na maganda ang pagkakasulat, ay natutong sumulat nang mas mahusay pa sa akin. At nagsalin siya ng mahahalagang sulatin para sa akin nang tamang-tama, walang kamalian o kabulaanan. B20

Kung ang dahilan ng pagkamatay ng baybayin ay ang pagiging hindi angkop nito sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mga Filipino ngayon, bakit kaya hindi man lang ito nanatili bilang bahagi ng pamanang lahi? Bakit hindi man lang ito naging isang sagisag ng kalinangang Filipino? Hindi nakaukit ang baybayin sa mahahalagang gusali at bantayog o pinag-aaralan bilang isang sining ng bayan tulad ng kaligrapiya sa mga ibang bansa sa Asya? Malungkot mang sabihin, halos lahat ng uri ng mga katutubong sining ng Filipinas na naabot ng impluwensiya ng Espanya ay napabayaan, at nanatili lamang sa mga lugar na hindi sinakop ng mga Espanyol. Sa palagay ni Hector Santos, isang mananaliksik sa California, ang mga pananagutan ng mga Filipino sa mga mananakop na Espanyol ay nakasagabal sa pagpapanatili ng kanilang dating mga ugali:

Mga buwis o tributes ay ipinataw sa mga katutubong taumbayan. Sapagkat kailangang gumawa sila ng mas maraming produkto kaysa dati, nabawasan ang panahon nila upang maituro ang mga sinaunang ugali sa kanilang mga anak, sa gayon ay lumaganap ang kamangmangan sa kanilang lumang sulat. B21

Natuklasan muli ang Baybayin

Sa totoo, hindi nawala ang baybayin sa ilang bahagi ng Filipinas. Sa halip umunlad pa ito at naging tatlong bukod-tanging uri ng pagsulat. Natatandaan pa rin ng mga taong Tagbanuwa sa Palawan ang kanilang sulat ngunit bihira na nilang ginagamit ito ngayon. Ang mga Buhid at lalo na ang mga Hanunóo sa Mindoro ay nagsusulat pa rin gaya ng mga sinaunang Filipino 500 taon na ang nakaraan, sa kanilang pakikipag-ugnayan at panulaan. Inilarawan ni Dr. Harold Conklin ang panitikan ng mga Hanunóo noong 1949:

Walang kaugnayang ang mga sulatin ng mga Hanunóo sa mahika, wala ring mga paksa tulad ng mga alamat o kasaysayan. Ang mga liham (ng pag-ibig o mga kahilingan) ay ipinapadala paminsan-minsan sa pamamagitan ng inukit na kawayan ngunit karaniwang ginagamit ang sulat na ito sa pagtatala ng mga awit na ambáhan [Hanunóo] at urúkai [Buhid]. Ang dalawang ito ay karaniwang binubuo ng mga patalinghagang awit ng pag-ibig. B22

Ipinaliwanag ni Dr. Fletcher Gardner ang kanilang sistemang pangkoreo noong 1943:

Isang liham [na inukit]  sa kawayan ang ikakabit sa isang biyak na patpat at saka iiwanan ito sa tabi ng landas. Ang unang taong dadaan dito patungo sa direksiyon ng taong sinulatan ang magdadala nito hanggang sa mag-iba ang kaniyang daan, at doon ay muli niyang iiwanan ang liham upang madala naman ito ng ibang taong dadaan. Maaaring may kalahating dosenang tao ang magtutulong-tulong sa paghahatid ng liham sa pagdadalhan. B23

Sa kasalukuyan may ilang maliliit na kilusang nagsisikap panatilihing buhay ang mga sulat ng Mindoro at Palawan. Si Antoon Postma ang namamahala  sa Mangyan Assistance & Research Center sa Panaytayan, Mansalay, Mindoro. Mayroon ding Palawan State University Tagbanwa Script Project na tinutulungan ni Dr. Jesus Peralta jr. ng Philippine National Museum. Noong 1994, gumawa si Hector Santos ng ilang computer font na Hanunóo, Buhid at Tagbanuwa para sa paglalathala at pagtuturo. Gumawa rin siya ng ilang font ng lumang baybayin.
(Tingnan: A Philippine Leaf para sa karagdagang kabatiran tungkol sa mga buhay na sulat ng Filipinas at mga font ni Hector.)

Dahil sa mabilis na pag-unlad ng teknolohiya ng kabatiran, mas marami na ang maaaring matutuhan ng mga Filipino mula sa Internet tungkol sa sinaunang panahon kaysa itinuturo sa mga paaralan. Kaya maraming Filipino ang nagkakaroon ng interes sa kanilang kultura at kadalasaan, ang baybayin ang unang tumatawag ng pansin nila. Sa pamamagitan ng mga computer font ang baybayin ay ginagamit sa disenyo ng mga web site, multimedia art, mga alahas, compact disc, T-shirt, at iba't ibang sagisag. (Tingnan ang Baybayin Links.) Maaaring hindi alam ng ilang Pinoy na binubuhay nila muli ang isang ugali ng kanilang mga ninuno. Noong unang panahon, ang mga pintados ng Bisayas ay nagpatatu alinsunod sa kanilang antas sa lipunan. Ngayon ay dumarami na ang bilang ng mga batang Filipino na nagpapatatu ng mga titik ng baybayin upang maipakita ang kanilang pagmamalaki sa sariling kalinangan.


Paul Morrow
©2002

Dalawin ang Baybayin Links para sa karagdagang kaalaman tungkol sa mga lumang sulat ng Filipinas.

Nais kong pasalamatan ang mga sumusunod na nagbigay ng mga babasahin at kabatiran para sa sanaysay na ito:
Charity Beyer Bagatsing, Michael Cueva, Terrio Echevez, Wolfgang Kuhl, Jojo Malig, Dr. Malcolm Warren Mintz, at Hector Santos.
Bukod-tangi ang aking pasasalamat kay Emmie Joaquin dahil sa kaniyang walang sawang (sana) pamamatnugot at pagwawasto sa aking mga sanaysay sa wikang Filipino.

Ang lahat ng tala at mga sangguniang ginamit sa sanaysay na ito ay maipapalimbag mula sa http://paulmorrow.ca/baynotes.htm.
 

UWIAN     NOTES & BIBLIOGRAPHY     E-MAIL

Last updated: 20 September, 2018