ANG SIMULÂ NG KASAYSAYANG FILIPINO
The Laguna Copperplate Inscription, The Beginning of Filipino History.
 

ANG KASULATANG TANSÔ NG LAGUNA

Ni Paul Morrow ©

Click on flag for

English version

Paunang Salita
Ang Pagkatuklas ng LCI
Ang Pagsasalin ng LCI
Ang Nilalaman ng LCI
Ang Mga Bayan sa LCI
Pinatunayan ang LCI

LCI sa Wikang Filipino
Wakas
UWIAN

Nagsisimulâ ang kasaysayan ng isáng lipunan batay sa káuná-unahang kasulatan nitó. Noón, ang pangkalahatang palagáy ng mga mananalaysáy ay nagsimulâ ang naitaláng kasaysayan ng Filipinas sa mga kasulatan ng isáng banyagang si Antonio Pigafetta na kasama ni Ferdinand Magellan noóng 1521. Ngayón, mayroón nang Kasulatang Tansô ng Laguna, ang sulat ng sinaunang Pilipino, na naglálarawan ng buhay sa Pilipinas 1100 taón na ang nakaraán. Sa pagsusurì at pag-aaral ng kasaysayan ng Pilipinas, itó ang pinakamahalagáng kasulatan. Photo of inscription from the National Museum of the Philippines.

Isáng araw noóng 1989, may isáng mamang naghuhukay ng buhangin sa wawà ng Ilog Lumbáng sa may Laguna de Ba’y. Ang hanapbuhay niyá ang pagbibilí ng buhangin para sa paggawâ ng simento. Paminsan-minsan ay nadaragdagán ang kaniyáng kita kapág may nahuhukay siyáng mga lumang bagay na maipagbíbilí niyá sa mga kolektór.

Sa araw na iyón, nátuklasán niyá ang isáng itím na balumbóng kansa (metál). Dati-rati’y itinatapon na lang niyá ang ganitóng basurang nakasisirà sa kaniyáng kagamitán. Ngunit nang ilatag ng mamà ang balumbón, nákita niyá ang isáng dahong tansô na may kakaibáng sulat at halos kasíng lakí ng isáng magasin. 

Inalók niyá ang dahong tansô sa iláng kolektór ngunit waláng bumilí dahil mukháng hindî mahalagá itó kung iháhambíng sa gintô, porselana o garing (ivory). Sa wakás, inalók niyá ang kasulatan sa Philippine National Museum at binilí nilá itó sa mababang halagáng P2000. Doón na lamang nanatili ang mahiwagang kasulatan, na pinangalanang Laguna Copperplate Inscription, sapagkát walâ namáng nakabábasa nitó.

Ang Pagsasalin

Click here to see how Filipinos spoke in the year 900.
Ang Kasulatang Tansô ng Laguna
Mag-klik sa larawan upang mabasa itó sa ating mga Latinong titik at nang makita kung paano nagsasalitâ ang mga Pilipino noóng taóng 900 A.D.

 

Si Antoon Postma ay isáng lalaking tagá-Holland na dalubhasà sa mga lumang sulat ng Pilipinas lalò na sa mga sulat ng mga Mangyán. Siyá ang patnugot ng Mangyán Assistance & Research Centre sa Panaytayan, Mansalay, Silangang Mindoro. Matagál na siyáng nakatirá sa Pilipinas at tuwíng nasa Maynilà siyá, dinadalaw niyá ang kaniyáng mga kaibigan sa National Museum. Noóng 1990, ipinakita nilá kay Postma ang kasulatang tansô. Nagkainterés si Postma kayâ humingî siyá ng mga larawan nitó at sinimulán niyá ang pagsasalin.

Noóng una, inakalà ni Postma na ang kasulatan ay mulâ sa Indonesia dahil nakasulat itó sa Kawi, ang sinaunang sulat doón at ang petsa nitó ay 822 sa kalendaryong Sanskrit o 900 A.D. Upang makatiyák na hindî huwád ang kasulatan, sumanggunì siyá sa kaniyáng kababayang si Dr. J.G. de Casparis, ang batikáng dalubhasà ng mga lumang sulat ng Indonesia. Ayon kay de Casparis, ang sulat at mga salitáng ginamit sa Kasulatang Tansô ng Laguna ay siyá na rin yaóng ginagamit sa Java noóng naturang panahón.

Ngunit may pagkakáibá ang kasulatang itó kung iháhambíng sa mga kasulatan ng Java. Una: Ang ugalì noón sa Java ay laging banggitín ang pangalan ng harì sa mahahalagáng kasulatan. Hindî binanggít sa kasulatan ng Laguna si Haring Balitung, ang harì ng Java noón. Pangalawá: Kakaibá ang wikà nitó dahil may mga kahalong salitáng Sanskrit, Lumang Javanese, Lumang Maláy at Lumang Tagalog. Pangatló: Ibá ang paraán ng pagsulat. Noóng araw sa Java, ang mga titik ay idinídiín sa tansô habang mainit itó, samantalang pinukpók na lamang ang mga titik sa Kasulatang Tansô ng Laguna.

Ang Nilálamán ng Kasulatan

Sa kaniyáng pag-aaral, nalaman ni Postma na itó ay isáng bahagi lamang ng isáng kasulatan mulâ sa Punò ng Tundó na nagsasaád ng kaniyáng pagpapatawad sa utang ng isáng lalaking nagngangalang Namwarán. Ayon sa kasulatan, may halagáng isáng katî at walóng suwarna ang kaniyáng utang o 926.4 na gram ng gintô. Itó ang katumbás ng $14,800 sa Canada ngayón (1998).

Bukód sa ibá’t ibáng mga pinunò at kamag-anakan ni Namwarán, tinukoy rin ng kasulatan ang iláng bayan sa Pilipinas na umíiral hanggáng ngayón. Mayroóng Tundun na ngayón ay Tundó sa Maynilà. May tatló sa Bulakán: Pailah o Pailá, Puliran o Pulilan, at Binwangan. Binanggít din ang Dewata o Diwatà, isáng bayang malapit sa Butuán, Hilagang Agusan, Mindanao at Medang na máaarì ay Medan sa Sumatra, Indonesia. Bukah ang pangalan ng isáng anák ni Namwarán. Marahil may kaugnayan siyá sa bayan ng Gatbuka sa Bulakán, malapit sa Pampanga.

Map of towns mentioned in the Laguna Copperplate Inscription
Ang Mga Bayang Binanggít sa Kasulatang Tansô.
 

Pinatunayan ang Kasulatan

Dahil sa mga bayang binanggít sa kasulatan at sa pagkakáibá nitó sa mga kasulatan ng Indonesia, ipinalagáy ni Postma na ang Kasulatang Tansô ng Laguna ay totoó at talagáng gawâ ng sinaunang Pilipino at hindî gawâ lamang ng isáng napakagalíng na manlilinláng.

Noóng 1993, ipinakita ni Jesus Peralta ng Philippine National Museum ang sanaysáy ni Postma sa isáng balikbayang si Hector Santos. Si Santos ay isáng Pilipinong nakatirá sa California. Mahilig siyá sa kasaysayan at sa mga lumang sulat kayâ nákita niyá agád ang kahalagahan nitó. Nagsimulâ siyáng maglathalà noóng 1994 ng isáng muntíng pahayagán, ang “Sulat Sa Tansô”, upang ikalat ang balità tungkól sa Kasulatang Tansô ng Laguna. Noóng 1996 inilunsád niyá ang A Philippine Leaf isáng internet web site na náuukol sa kasaysayan ng Pilipinas. Nadagdagán ang ating pagkáunawà sa Kasulatang Tansô dahil sa matiyagáng panánaliksík ni Hector Santos. Iminungkahì niyá ang katagáng Puliran Malay para sa wikang ginamit sa kasulatan at kinalkulá niyá sa pamamagitan ng computer ang eksaktong petsa ng pagkákasulat nitó, Lunes, ika-21 ng Abríl, taóng 900 A.D.

Ang Kasulatan sa Wikang Filipino

Noóng 1994, hinilingán akó ni Hector Santos na gumawâ ng isáng salin ng Kasulatang Tansô ng Laguna sa wikang Tagalog. Gumawâ akó ng dalawá. Ang una’y nakabatay sa kaniyáng saling Inglés. Ang pangalawá namán ay nakabatay sa kaniyáng talásalitaan, ang LCI Dictionary at batay na rin sa aking sariling panánaliksík at alinsunod sa pagkakásunúd-sunód ng mga salitâ sa kasulatang tansô. Náritó ang aking panibagong salin na ibinagay ko sa ating kasalukuyang pananalitâ.
 



Mabuhay! Taóng Siyaka 822, buwán ng Waisaka, ayon sa aghámtalà. Ang ikaapat na araw ng pagliít ng buwán, Lunes. Sa pagkakátaóng itó, si Dayang Angkatán sampû ng kaniyáng kapatíd na nagngangalang Buka, na mga anák ng Kagalang-galang na si Namwarán, ay ginawaran ng isáng kasulatan ng lubós na kapatawarán mulâ sa Punong Pangkalahatan sa Tundún sa pagkatawán ng Punong Kagawad ng Pailáh na si Jayadewa.

Sa atas na itó, sa pamamagitan ng Tagasulat, ang Kagalang-galang na si Namwarán ay pinatawad na sa lahát at inalpasán sa kaniyáng utang at kaniyáng mga náhulíng kabayarán na 1 katî at 8 suwarna sa harapán ng Kagalang-galang na Punong Kagawad ng Puliran na si Ka Sumurán, sa kapangyarihan ng Kagalang-galang na Punong Kagawad ng Pailáh.

Dahil sa matapát na paglilingkód ni Namwarán bilang isáng sakop ng Punò, kinilala ng Kagalang-galang at batikáng Punong Kagawad ng Binwangan ang lahát ng nabubuhay pang kamag-anak ni Namwarán na inangkín ng Punò ng Dewatà, na kinatawán ng Punò ng Medáng.

Samakatwíd, ang mga nabubuhay na inapó ng Kagalang-galang na si Namwarán ay pinatawad sa anumán at lahát ng utang ng Kagalang-galang na si Namwarán sa Punò ng Dewatà. Itó, kung sakalì, ay magpapahayag kaninumán na mulâ ngayón kung may taong magsasabing hindî pa alpás sa utang ang Kagalang-galang... 

 


Ang Simulâ ng Kasaysayang Filipino

Nápakahalagá ng kasulatang itó sa ating pag-unawà sa pinagmulán ng lahing Pilipino. Dahil sa Kasulatang Tansô ng Laguna, nalaman nating mayroóng kalinangán at kabihasnán ang Pilipino mulâ pa noóng taóng 900 A.D. Isang libo’t isáng daáng taón ang nakaraán o 621 taón bago dumatíng ang mga Kastilà! Nalaman rin nating may kalinangáng Hindu sa Pilipinas at may mga tao nang nakatirá sa Maynilà bago pa man dumatíng ang mga Muslim sa ika-12 o ika-13 dantaón.

Subalit marami ring katanungang kailangang bigyán ng kásagutan tulad ng: Anó ang nangyari sa kalinangáng inilarawan sa Kasulatang Tansô? Bakit nawalâ ang kaniláng wikà ngunit nanatili pa rin ang mga pangalan ng mga naturang bayan? Bakit nápalitán ng Baybayin ang Kawi samantalang higít na mahusay itó at laganap noón sa Timog Silangang Asya?

Nabuksán ang maraming bagong larangan ng panánaliksík para sa mga mánanalaysáy at ibá pang dalubhasà sa aghám. Itinurò ng Kasulatang Tansô ng Laguna ang limáng bayan sa Pilipinas na dapat suriin ng mga archaeologist dahil alám na nating umíiral ang mga itó noóng taóng 900 A.D. Máaarì na ring balikán ang mga lumang kasulatang Intsík na tumukoy sa mga mahiwagang poók sa Pilipinas dahil alám na natin ang dating mga pangalan ng mga naturang bayan. At ang dating pinabulaanang kaugnayan ng Pilipinas sa mga lumang kaharián ng Java at Sumatra ay dapat na ring suriing mulî.

 

Paul Morrow

Pará sa karagdagáng kaalamán tungkól sa Laguna Copperplate Inscription, dalawin ang web page ni Hector Santos sa A Philippine Leaf.

UWIAN    ITAÁS

©1998 Paul Morrow
Latest revision: 08 February 2003