Napápansín ng maraming bagong datíng sa Canada na ibá rito ang baybáy (ispeling) ng mga salitáng Inglés kung iháhambíng itó sa pagbabaybáy na natutuhan nilá sa Pilipinas. Kung babasahin ang mga pahayagan o mga karátulá rito ay parang malî ang mga salitâ tulad ng centre, theatre, colour, honour at marami pang ibá. Totoóng ibá itó sa pagbabaybáy sa Pilipinas dahil ang pinagmulán ng Inglés doón ay ibá sa Inglés dito sa Canada. Ang wikang Inglés ay dinalá sa Pilipinas ng mga Amerikano nang sakupín nilá ang bagong tatág na republika noóng simulâ ng mga taóng 1900. Samantalang namana ng Canada ang wikang Inglés sa mga ninunong taga-England na nanggagalugad dito mulâ pa noóng ika-16 na dantaón (siglo) at nagtatág ng bansáng Canada noóng 1867. Alám nating lahát na nagsimulâ ang wikang Inglés sa bansáng England at nároón ang ugát ng lahát ng urì ng Inglés sa buóng daigdíg patí yaóng sinásalitâ sa U.S. Ngunit bakit ibá ang pagbabaybáy ng mga Amerikano? Inglés sa BritanyaNoón pa man, kapág humirám ang mga Britanyo ng mga salitâ mulâ sa ibáng mga wikà, ang ugalì nilá ay huwág baguhin ang baybáy ng mga itó. Kapág nagbago ang bigkás, magíng sa mga sariling salitâ, hindî rin binago ang baybáy. Halimbawà, sa kasalukuyan, ang bigkás sa salitáng knight ay nayt. Subalit noóng unang panahón biníbigkás ang bawat titik (keh-ni-geh-tah). Kayâ hanggáng ngayón, mayroón pa rin ang mga tahimik na titik na k, g, at h. Samakatwíd nang pumasok sa Inglés ang mga salitâ tulad ng centre at honour mulâ sa Pransés, hindî binago ang baybáy. Ang Impluwénsiyáng PransésSa loób ng nakaraáng isáng libong taón ang wikang Pransés ay may pinakamahalagáng impluwénsiyá sa Inglés. Pransés ang nagíng opisyál na wikà ng England nang halos 350 taón mulâ nang sakupín ang England ni William the Conqueror noóng taóng 1066. Si William ay taga-Normandy sa Pransiya at hindî marunong mag-Inglés kayâ Pransés ang nagíng wikà sa lahát ng kasulatan at pakikipag-ugnayan sa pamamahalà ng kaharián at Latin pa rin ang ginamit sa simbahan. Inglés ang salitâ ng mga karaniwang tao lamang noóng naturang panahón. Untí-untíng nakapasok ang mga salitáng Pransés sa wikà ng masa. Binago nilá ang bigkás sa mga bagong salitâ ngunit hindî nagbago ang baybáy. Inglés sa AmérikaNang maghimagsík at maghiwaláy ang mga Amerikano sa kaharián ng Britanya sa ika-18 dantaón, nagkaroón silá ng matindíng pagkamakabayan. Sa kaniláng kasarinlán, ninais niláng ituwíd ang mga bagay na sa kaniláng tingín ay malî o masamâ sa lipunan. Kabilang dito ang pagbabaybáy ng mga salitáng Inglés. Maraming Amerikano at Britanyo na rin ang nagsikap noón upang ayusin itó. Ang Amerikanong si Noah Webster ang pinakamatagumpáy sa kanilá. Naglathalà siyá ng tatlóng aklát pámpaaralán sa pagitan ng mga taóng 1783 at 1785. Sa kaniyáng buhay ay 80 milyón (o 80 angaw) na sipì ng kaniyáng American Speller ang nábilí. Sa ganitóng paraán naitatág ni Webster ang isáng panibagong pagbabaybáy. Inglés sa CanadaSubalit ang pagbabaybáy ng Canada ay naíibá sa Amerikano at Britanyo. Dahil sa kasaysayan ng Canada, pinaghalò ang dalawáng pamamaraán sa ating pagbabaybáy. Noóng taóng 1776, ang panahón ng hímagsikan sa Amérika, maraming Amerikano ay nanatiling matapát sa Britanya. Tumakas silá at dumayo sa Canada. Nahalò ang kaniláng pagsasalitâ at pagbabaybáy sa Inglés na sinásalitâ sa Canada noón. Nang magkadigmaan mulî ang Britanya at Amérika noóng taóng 1812, sumalakay nang madalás ang U.S. sa Canada subalit hindî silá nagtagumpáy. Pagkatapos ng digmaan, nátuklasán ng mga Britanyo na ang inakalà ng mga Amerikano ay tutulungan silá nitóng mga dating Amerikano at kaniláng mga ninunong naninirahan sa Canada. Bagamá’t pinatunayan ng mga bagong Canadian ang kaniláng katapatan sa kaharian, hindî mapalagáy ang mga Britanyo sa dami ng Canadian na may mga ninunong nagmulâ sa U.S. Sinimulán nilá ang isáng plano upang mahikayat ang maraming mámamayáng Britanyo na lumipat at manirahan sa Canada. Sa mga taóng 1800, nag-ibayo ang dami ng tao sa Canada at lumakás mulî ang impluwésiyá ng Britanya sa ating lipunan. Halu-halong PagbabaybáySamakatwíd, magkahalò ang mga impluwénsiyáng Britanyo at Amerikano sa ating pagbabaybáy. Nananatili pa rin ang mga baybáy tulad ng axe, dialogue, labour at programme gaya ng sa Britanya. At zed ang tawag sa hulíng titik ng ating alphabet; hindî zee. Subalit hindî natin ginagamit ang Britanyong aluminium para sa aluminum o tyre para sa tire. Kadalasa’y makikita ang Amerikanong ize sa halíp ng Britanyong ise sa mga salitâ gaya ng equalize, specialize, Canadianize at ibá pa. Mayroón ding mga salitâ na may dalawáng katanggáp-tanggáp na baybáy. Ating Pagka-CanadianSa kasalakuyan, ang kalinangáng Amerikano ay nangingibabaw sa daigdíg. Lalong malakás itó sa Canada sapagkát magkaratig ang dalawáng bansá at ang populasyón at ekonomiya ng U.S. ay sampúng ulit sa lakí kung iháhambíng sa Canada. Nakikita at naririníg natin araw-araw ang kaniláng mga ugalì at kurú-kurò sa mga pelikulá, TV networks at pagbabalità. Maraming batà sa Canada ay nátututo ng abc at zee sa Sesame Street. Subalit sa kabilá nitó, pinapahalagahán pa rin nating mga Canadian ang ating kalinangán at mga katángian ng ating wikà. Ang pagbabaybáy natin ay isáng bahagi ng ating pagka-Canadian. Noóng 1995, itinanóng ng Winnipeg Free Press sa kaniláng mga mambabasa kung papaanóng pagandahín ang pahayagán. Ang pangunahing kasagutan ng mga mambabasa ay tigilan ang paggamit ng Amerikanong pagbabaybáy at ibalík ang Canadian Spelling. Unang inilathalŕ sa Hiyás magasín noóng October-November, 1999 Vol. 2 No. 9 |
|
|