Canadian Spelling | Filipino@bp. | Filipino Pronunciation | Ang Pinagmulan ng mga Wika ng Filipinas
Mga Salitang Siyokoy |
Sa Madaling Sabi | UWIAN

 

William Shakespeare 1564-1616. This portrait is from the first collection of his works, The First Folio. 1623. Engraved by Martin Droeshout.
William Shakespeare 1564-1616
Itó ang larawan  sa unang pagtitipon ng kaniyáng mga akdâ, The First Folio, 1623.
Inukit ni Martin Droeshout.

Ang Sabi ni Shakespeare

ni Paul Morrow 

Talagang makulay ang wikang Inglés dahil sa dami ng mga idiomatic expressions  ngunit kung minsa’y nakalilitó ang mga itó kung ang Inglés ay hindî iyóng ináng wikà. Magíng ang mga taong Inglés ay mahihirapan kung ipapaliwanag sa kanilá ang mga idiom na ginagamit nating lahát sa araw-araw. Ang mga kasabiháng pag-uusapan natin ngayón ay nagmulâ sa iisáng tao lamang.

Kilala nating lahát ang pangalan ni William Shakespeare ngunit alám ba ninyo na kahit hindî kayó nakapanoód ng maskí isá sa kaniyáng mga dulâ, malamáng na ginagamit ninyó ang kaniyáng mga salitâ at mga kasabihan araw-araw? Ganiyáng kalakí ang kaniyáng impluwensiyá sa wikang Inglés.

Napakalawak ng karunungan ni William Shakespeare. Sa lahat ng kaniyáng kathâ, nakagamit siyá ng higít sa 20 libong iba’t ibang salitâ. Sa 20 libong iyón, siyá ang unang gumamit o lumikhâ ng 1,700 salitâ. Ihambíng itó sa Bibliyá ni King James na sinulat noóng panahón ni Shakespeare. Ang buóng talásalitaan ng bibliyáng itó ay 8,000 lamang.

Ilán lamang sa mga salitáng nilikhâ ni William Shakespeare ay amazement, assassination, bedroom, bump, countless, courtship, critic, dishearten, dislocate, eventful, exposure, generous, gloomy, hurry, impartial, lapse, lonely, majestic, obscene, pious, road, sneak, submerge at useless.

Nakamamangháng isipin ang dami ng mga salitâ at kasabiháng nagmulâ sa panulat ni William Shakespeare. Tingnán ninyó kung nagagamit ninyó ang mga sumúsunód.

Wear your heart upon your sleeve
Ipakita ang pusò mo sa iyóng manggás

Sa kasabiháng itó, ang pusò ay parang isáng sagisag na nakatanghál sa manggás ng isáng tao. Kung sasabihin nating, He wears his heart upon his sleeve, ang ibig sabihin ay hindî niyá itinatagò o hindî niyá maikukublî ang kaniyáng damdamin.

Sa umpisá ng dulâng Othello ni Shakespeare (taóng 1605) ang pusò ay hindî isáng sagisag kundî isáng pusò talagá. Si Iago ay isáng kawal (sundalo) na naiinggít sa kaniyáng heneral na si Othello dahil mas asenso si Othello kaysa sa kaniyá. Ipinaliwanag ni Iago sa isá niyáng kasabwát na ang pagsisilbí niyá kay Othello ay pakitang-tao lamang upang makapaghiganti siyá kay Othello. Sabi pa niyá na kung ipapahalatá niyá ang totoóng lamán ng kaniyáng pusò ay parang nakasabit ang pusò niya sa kaniyáng manggás upang tukaín lamang itó ng mga uwák.

For when my outward action doth demonstrate
The native act and figure of my heart
In compliment extern, ‘t is not long after
But I will wear my heart upon my sleeve
For daws to peck at: I am not what I am.

Heart of Gold
Ginintuáng Pusò

Sapagkát malapit na ang Araw ng mga Pusò, ipagpatuloy natin ang tema ng pusò. Alám nating kung may Heart of Gold ang isáng tao, siyá ay napakabaít, matulungín at mapagkawang-gawâ.

Si King Henry V ang unang nakatanggáp ng ganitóng papuri sa duláng Henry the Fifth (1599). Sa gabí bago ng digmaan sa Agincourt sa Pransiya, nagbalátkayô si Henry at nakihalubilo siyá sa kaniyáng mga kawal. Gustó niyáng málaman ang kálagayan ng kaniláng morál bago harapín nilá ang mga kalaban na mas marami at mas malakás. Nakasalubong ni Henry ang isáng mayabang na bantáy, si Pistol, na dati ay kabarkada niyá noóng kabataan niyá. Nag-usap silá at itinanóng ni Henry kung sa akalà niyá ay mataás pa si Pistol sa harì. Binawì kaagád ni Pistol ang kaniyáng pagyayabáng. Sinabi niyá,

The king is a bawcock (fine fellow), and a heart of gold…I kiss his dirty shoe.

Salad Days
Mga Araw ng Gulay

Kung ikukuwento ng isáng tao ang kaniyáng Salad Days, tinutukoy niyá ang kaniyáng kabataan noóng murà pa ang isipán at sariwà pa ang buhay gaya ng isáng hálamanán. 

Si Cleopatra ang unang gumamit ng idiom na itó sa dulâ ni Shakespeare na Antony and Cleopatra (1607). Nagalit si Cleopatra sa isáng alalay niya, si Charmian, nang purihin niyá si Octavius Ceasar sa halíp na si Mark Antony. Sagót ni Charmian ay inuulit lang niyá ang dating sinasabi ni Cleopatra. Sinabi namán ni Cleopatra na hindî dapat ulitin iyón ni Charmian dahil batà pa si Cleopatra noóng may gustó siyá kay Ceasar.

My salad days,
When I was green in judgement, cold in blood,
To say as I said then!

Household Words
Mga Salitáng Pambahay

Ang mga household words na tinutukoy ni King Henry sa duláng Henry V (1599), ay ang mga pangalan ng kaniyáng mga kasama sa digmaan sa Agincourt, Pransiyá.

Bago nagsimulâ ang ságupaán, naghimutók ang Earl of Westmoreland na kulang ang kaniláng mga puwersa at sana’y may dagdág pa siláng sampúng libong lalaki na kasalakuyan noóng waláng ginágawâ sa Inglatera. Sumalungát si Henry at dito niyá sinamantalá ang pagkakátaón upang pasiglahín ang kaniyáng mga kawal. Sa kaniyáng tanyág na talumpatì sa Araw ni San Crispin, sinabi niyáng hindî na kailangan ang karagdagáng tao dahil ayaw niyáng makihatì pa ang mga iyón sa karangalan ng mga kawal sa naturang araw. Sinabi pa niyáng ipagmámalakí ng bawat kawal ang kaniyá-kaniyáng ginawâ sa bawat pagdiriwang ng Araw ni San Crispin hanggáng sa katandaán.

Old men forget; yet all shall be forgot,
But he’ll remember, with advantages,
What feats he did that day. Then shall our names,
Familiar in his mouth as household words… 
Be in their flowing cups freshly rememb’red.

It’s Greek to Me
Griyego sa Akin ‘yan

Maraming tao ay nahihirapan sa pagsasalitáng náririníg sa mga dulâ ni Shakespeare. Hindî raw maunawaan ang sinasabi at parang hindî Inglés ang wikà. Malamáng na may nagsabing, "It’s all Greek to me," dahil iyán ang kasabiháng ginagamit ng marami kapág hindî nilá maintindihán ang kaniláng náriníg o nabasa. Nakákatawá itó sapagkát silá na rin ang gumagamit ng isáng pariralang palasák na noóng panahón pa man ni Shakespeare.

Ginamit itó ni Shakespeare sa kaniyáng duláng Julius Caesar noóng taóng 1599. Nag-uusap ang dalawáng magkasabwát, sina Cassius at Casca, tungkól sa nangyari kay Caesar noóng nanonoód siyá ng pálakasan:

CASSIUS: Did Cicero say anything?
CASCA: Ay, he spoke Greek.
CASSIUS: To what effect?
CASCA: Nay, an (if) I tell you that, I’ll never look you in the face again; but those that understood him smiled at one another and shook their heads; but for mine own part, it was Greek to me.

Knock, knock Jokes
Nak, Nak. Who’s dere?

Noón pa man, ang unang mga birong nátututuhan ng mga batà, magíng sa Filipinas, ay ang mga Knock, Knock Jokes.

Knock, knock.
Who’s there?
Indáy!
Indáy who?
Indáy will always love you!
(awitin itó gaya ni Whitney Houston)

Mayroóng mga nagsasabing ang duláng Macbeth (1606) ang pinagmulán ng mga birong itó. Si Macbeth ay isáng batikáng mandirigmâ sa Scotland noóng unang panahón. Sa panunulsól ng kaniyáng asawà at dahil sa hulà ng tatlóng mangkukulam na nagsabing si Macbeth ay mágigíng harì ng Scotland, pinatáy ni Macbeth ang kaniyáng harì sa kaniyáng pagtulog.

Pagkatapos nitó, may isáng nakakatawáng eksena nang isáng lasíng na katulong sa kastilyó ni Macbeth ay ginising ng malalakás na katók sa pintô. Sa inís niyá, inihambíng niyá ang sarili sa isáng tagapagbantáy ng pintô sa impiyerno na ang tungkulin ay papasukin ang ibá’t ibáng makasalanan.

Here’s a knocking indeed! If a man were porter of hell-gate he should have old turning the key. (knocking) Knock, knock, knock. Who’s there, in the name of Beelzebub?… Knock, knock. Who’s there, in the other devil’s name?… Knock, knock, knock! Never at quiet!

Dead as a Doornail
Kasíng patáy ng isáng pakò sa pintô

Tungkól pa rin sa knock, knock ­ alám nating lahát na ang ibig sabihin ng dead as a doornail ay talagáng patáy na o waláng buhay. Ngunit bakit iháhambíng ang kamatayan sa isáng pakò sa pintô? Ang doornail na tinutukoy ay anumáng malakíng pakò na ginamit noóng panahóng medieval upang patibayin o gayakán ang mabibigát na pintô. Ayon sa ibá, itó ang pakong ginagamit mismo at pinapalò ng pangkatók (door knocker) dahil walâ nang mas patáy pa kaysá isáng pakò na laging pinúpukpók o, dî ba?

Itóng kasabihán ay unang sinabi ni Jack Cade, isáng rebelde o manghihimagsík sa ikalawáng yugtô ng Henry VI (1591). Nang mabigô ang kaniyáng hímagsikan tumakas siyá at “nag-TNT” sa probinsiyá habang halos ang buóng bansá ay naghahanap sa kaniyá. Nang máhuli siyá ng isáng aristokratang maginoó, ibinigáy niyá itóng hamon:

Look on me well: I have eat(en) no meat these five days, yet come thou and thy five men and if I do not leave you all as dead as a door-nail, I pray God I may never eat grass more.

Itó ay ilán lamang sa mga salitâ at kasabiháng nagsimulâ sa mga gawâ ni William Shakespeare. Sa totoó lang, mapupunô ang isáng aklát sa dami nitó.

Paul Morrow

Unang inilathalà sa dalawáng labás ng Hiyás magasín; vol. 3 nos. 11-12, February-May 2000.


UWIAN    ITAAS