Ang Pinagmulán ng mga Wikà ng Filipinas
Sinu-sino ang mga dayuhang
nagdalá ng ibá’t ibáng wikà sa Filipinas? Iyán ang katanungan ng
isáng
panauhin dito sa Sarisari etc.
Maraming lahì ang nagdalá
ng kaní-kaniláng salitâ sa Filipinas noóng unang panahón, ngunit ang mga wikang dinatnán nilá sa Filipinas ay taál na Filipino.
Dati'y may teoryang ang tawag ay wave theory. Ayon sa wave
theory, ang mga ninunò ng lahing Filipino ay dumayo sa Filipinas nang iláng ulit o waves ng pandarayuhan sa pamamagitan ng mga
tuláy na lupà na nalantád dahil mas mababaw ang mga dagat noong
panahón ng kalamigang pandaigdíg (Ice Age). Nanggaling daw silá sa Indonesia, Malaysia at ibá
pang lugár. Libu-libong taón daw ang pagitan ng bawat panahón ng
pandarayuhan. Diumanó’y itó raw ang sanhî kung bakit may mga Ita,
Ifugáw at modernong Filipino sa Filipinas. Subalit ngayón ay hindî
na tinátanggáp ang teoryang itó.
Ayon sa mga bagong pananaliksík sa larangan ng wikà (comparative
linguistics, lexicostatistics), ang mga wikà ng ibá't ibáng grupo
sa Filipinas ay masyadong magkakahawig kayâ hindî máaaring may iláng
libong taón ang pagitan ng kaní-kaniláng pagdatíng. Makikita rin sa
mga bagong ebidensyá sa larangan ng arkeolohiya na tulúy-tulóy at
hindî paulit-ulit ang nagíng pandarayuhan sa Filipinas.
May relasyón sa bawat isá ang mga wikà sa Filipinas. Ang pangalan ng
pamilya ng mga wikang itó ay Austronesian o Malayo-Polynesian. Ang mga
wikang Austronesian ay mga wikà mula sa mga pulô ng Southeast Asia
hanggáng sa Easter Island na malapit sa South America.
Malamáng na ang unang mga taong nagsasalitâ ng íisáng wikang
Austronesian ay dumatíng sa Filipinas mula sa hilagà (north) limáng
libong taón na ang nakalipas. Nagkahiwá-hiwaláy silá at nagsikalat
sa buóng kapuluán. Dahil sa habà ng panahón na nagkahiwaláy silá,
untí-untíng nagbago ang kanilang pagsasalitâ. Dumatíng ang panahón
na ang mga grupong itó ay hindî na nagkaintindihan. Ang ibig sabihin
ay nagíng bago na ang mga wikà at pagsasalitâ ng ibá’t ibáng
grupo. Ito ang mga wikang kilala natin sa Filipinas ngayón.
Ganitó rin ang nangyari sa ibáng mga bahagi ng Timog-Silangan tulad ng
Malaysia at Indonesia. Nang simulán nilá ang pangangalakal sa mga pulô,
nadalá rin nilá ang kaniláng mga bagong salitâ sa Filipinas - patí
yaóng mga salitáng natutuhan nilá sa ibá pang mas malalayong bansá
tulad ng India.
Mula noon hanggáng ngayón, ang mga Filipino, tulad ng lahát ng lahì
sa daigdíg, ay nanghíhirám ng mga salitâ mulâ sa maraming dayuhang
lahì. Masasabi nating patuloy na nagbabago ang mga wikà sa mundó
dahil lahát tayo ay patuloy ang panghíhirám at paggamit ng mga bagong
salitâ sa ating pangungusap.
Bagamá’t may mga wikang dayuhan na nagkaroón ng impluwensiyá sa
paglagô ng mga wikang Filipino, ang Filipinas ay may sariling mga taál
na wikà bago pa man itó nápuntahán ng mga dayuhan.

Paul Morrow
UWIAN ITAAS
|